ANGELES CITY — Mabilis na tumugon ang City Government ng Angeles, sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), upang maghatid ng tulong kay Mang Erneo, isang residente ng Barangay Pandan na nasunugan noong Oktubre 3, 2025. Ang insidente ay nagdulot ng pinsala sa ilang bahagi ng kanyang tahanan.
Pinangunahan ng CSWDO ang pag-abot ng tulong bilang bahagi ng disaster response program ng pamahalaang lungsod. Sa pamumuno ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, agad na nakipag-ugnayan ang mga social workers sa biktima upang matukoy ang kanyang mga pangangailangan at maihatid ang tulong sa lalong madaling panahon.
Ipinagkaloob sa kanya ang food packs, personal hygiene kits, at iba pang pangunahing gamit upang makatulong sa kanyang pansamantalang kalagayan. Kabilang sa mga ito ang mga gamit pambahay na maaaring magamit habang inaayos ang nasirang tirahan.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mang Erneo sa LGU at sa mga tauhan ng CSWDO sa kanilang agarang pagresponde. Ayon sa kanya, malaking ginhawa ang dulot ng tulong, lalo na’t dumaan siya sa isang mahirap na sitwasyon. Ikinatuwa rin niya ang pakikidalamhati ng pamahalaan sa kanyang sinapit.
Binisita rin ng mga kinatawan ng barangay at CSWDO si Mang Erneo upang tiyaking ligtas ang kanyang kalagayan at upang masuri kung anong karagdagang tulong pa ang maaaring maibigay. Pinayuhan din siya tungkol sa mga proseso ng rehabilitasyon ng kanyang bahay at iba pang suporta na maaaring i-avail.
Ang ganitong hakbang ng LGU ay patunay ng malasakit sa mga mamamayan, lalo na sa oras ng sakuna. Patuloy na binibigyang halaga ni Mayor Lazatin ang mabilis na pagtugon sa mga insidente upang matiyak ang kapakanan ng bawat Angeleño.
Sa tulong ng mga ahensya gaya ng CSWDO, nananatiling matatag ang commitment ng lungsod na maging kaagapay ng mga biktima ng kalamidad , hindi lamang sa relief, kundi pati sa kanilang muling pagbangon.
Source: Angeles City Information Office