Angeles City – Patuloy ang pagsusumikap ng Angeles City Police Office (ACPO) na mapalalim ang pananampalataya at pagpapahalagang moral ng kanilang mga tauhan sa pamamagitan ng isinagawang ikatlong batch ng TRUE-LIFE Retreat. Ang dalawang-araw na spiritual activity ay isinagawa sa ikatlong palapag ng Angeles City Library at dinaluhan ng mahigit 100 personnel mula sa iba’t ibang tanggapan at himpilan ng pulisya.
Pinangunahan ni ACPO City Director, Police Colonel Joselito Villarosa Jr., ang retreat na layuning palakasin ang espiritwal na pundasyon ng kapulisan sa gitna ng kanilang tungkuling magsilbi sa publiko. Kasama niya sa aktibidad ang mga volunteer mula sa Christ Commission Fellowship (CCF) na pinamunuan ni Atty. Chris Lawrence Isidro, na nagsilbing spiritual facilitators ng programa.
Sa loob ng dalawang araw, nakibahagi ang mga uniformed at non-uniformed personnel sa mga gawain na naglalayong linangin ang kanilang pananampalataya, pagpapatawad, pagpapakumbaba, at malasakit sa kapwa. Ang retreat ay nagbigay-daan upang pagnilayan ng mga kalahok ang kanilang personal na buhay at serbisyo bilang tagapagpatupad ng batas.
Ayon kay PCOL Villarosa, ang TRUE-LIFE Retreat ay hindi lamang isang spiritual na aktibidad kundi isang hakbang tungo sa pagpapatatag ng moralidad sa loob ng organisasyon. Aniya, mahalagang mapanatili ang integridad at espiritwal na kalusugan ng bawat isa upang maipagpatuloy ang matapat at makataong pagseserbisyo sa komunidad.
Nagpasalamat naman si Atty. Isidro sa pagkakataong makibahagi sa aktibidad. Inilahad niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ugnayan sa Diyos sa gitna ng pagsubok sa serbisyo publiko. Hinikayat din niya ang mga kalahok na gawing inspirasyon ang retreat upang maging ilaw at gabay sa kanilang araw-araw na tungkulin.
Nag-iwan ng positibong epekto ang retreat sa mga dumalo. Marami ang nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa pagkakataong mapalapit muli sa Diyos at makapagnilay-nilay sa kanilang pananagutan hindi lamang sa batas kundi maging sa kanilang kapwa-tao. Ang ganitong aktibidad ay patunay ng malasakit ng pamunuan ng ACPO sa kabuuang kapakanan ng kanilang hanay.
Ang TRUE-LIFE Retreat ay bahagi ng patuloy na inisyatibo ng ACPO na paigtingin ang holistic development ng kanilang mga tauhan. Sa pagtutok hindi lamang sa pisikal at propesyonal na aspeto, kundi pati na rin sa espiritwal na kalagayan ng mga ito, umaasa ang pamunuan na mas lalong magiging epektibo, makatao, at makadiyos ang kanilang serbisyo sa bayan.